Response of former Gov. Grace Padaca on the case filed against her by the Ombudsman
This is in response to the stories which came out last March 10,2011 pertaining to the Ombudsman’s filing of a case against former Gov. Grace Padaca of Isabela. Here is a link to the story which came out at the Philippine Daily Inquirer: http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/regions/view/20110309-324429/Ombudsman-files-rap-vs-Aquino-ally
Here is the response of former Gov. Padaca which will also come out in her column at Abante:
Mahirap ang komunikasyon sa kung saan ako ngayon at noong nakaraang linggo kaya ngayon lang ako makakapagpahayag tungkol sa balitang may desisyon ang Ombudsman laban sa amin sa kasong Malversation of Public Funds kaugnay ng isang programang nagpautang sa mga magsasakang Isabelino.
Ang kapakanan ng aming mga magbubukid sa Isabela ang naging pinakamahalagang programa ko sa loob ng aking anim na taon bilang Gobernador. Kahit ang aming mahigpit na kampanya laban sa illegal logging ay itinakda para sa kaligtasan ng aming mga pananim sa mga matinding pagbaha at tagtuyot. Ang kauna-unahan kong naging proyekto ay pataasin ang presyo ng mga aning palay at mais. Nakipagtulungan kami sa National Food Authority para dagdagan namin ang buying price ng NFA ng hanggang P2 o P3 bawat kilo. Kung may paggagamitan man kami ng pera ng probinsya, unahin na namin ang para sa mga magsasaka.
Naging matagumpay ang aming programang ito. Napakaraming magsasaka ang nakaraos nang mas mabuti at nagpasalamat nang malaki sa amin. Sinabi sa akin ng maraming opisyal ng NFA na sana ay gawin din ito ng ibang Gobernador o Mayor. Sa aking panig ay walang naging problema dahil wala akong iniilagang mga malalaking rice o corn traders. Wala akong hinihingan sa kanila ng perang pang-kampanya kaya’t wala akong dapat tanawing utang na loob para sila ang aking kampihan kaysa ang mga magsasaka. Pinatunayan namin sa aming pamumuno sa Isabela na kung sino ang mas nangangailangan sila ang ang aming tutulungan.
Gayunman, hindi sapat na itaas lang ang presyo ng mga ani. Malaking problema din kasi ng mga magsasaka kung saan sila kukuha ng perang pambili ng mga binhi, abono, pestisidyo at iba pang gamit. Karaniwang umuutang sila sa mga negosyante na nagpapatong ng interes ng hanggang 30%.
Kaya’t nabuo ang programa kung saan magpapautang ng kapital para sa mga magsasaka sa mababang interes. Gusto naming iwasan, gayunman, ang dati nang nangyayari na kung pautang ng gobyerno, utang-kalimutan. Hindi na nila babayaran. Paano magtatagal kung ganoon ang programang pangtulong para sa kanila?
Dito sa programang ito kami sinampahan ng kaso sa Ombudsman. Malayo ako ngayon at walang paraan para mabasa ang detalye ng desisyon. ‘Pag nagkaroon ako ng pagkakataon, ibabahagi ko rin sa inyo ang aking panig.
Hindi lang ito ang isinampa ng mga taong dy-nasty na kaso laban sa amin sa Ombudsman. Mayroon pa silang paratang na inilagay raw namin sa aming sariling bank account ang pondong para sa aming proyekto sa NFA. Kahit na gaano kababaw ang kanilang batayan, gumagawa sila ng istorya. Napakadali namang tingnan sa aming mga accounting books sa Kapitolyo, sa COA at kahit na ba sa bangko kung totoo ito. Pero wala silang pakialam kung totoo o hindi. Ang mahalaga ay masiraan ako na balakid sa kanila o masira ang aking proyekto na siyang nagpapalapit sa akin sa puso ng mga masa. Mayroon pa silang isang kaso sa akin na ang nagsampa ay isang 80-anyos na matandang janitor sa isang munisipyong hawak nila, isang matandang ni hindi na marahil mabasa kung ano ang demandang basta na lang pinapirma sa kaniya.
Ang mga kasong ito sa Ombudsman at sa COA ang ilan sa mga una kong ibinahagi kina Gov Eddie Panlilio ng Pampanga at Mayor Jesse Robredo ng Naga noong binubuo pa lamang namin ang grupong “KAYA NATIN:A Movement for Good Governance and Ethical Leadership”. Sabi ko, kung sino pa ang mga salbahe at walang hiyang magnanakaw, sila pa ang may ganang magsampa ng kaso. Lagi nilang ipinagyayabang, sa tinagal-tagal daw nila sa puesto, wala pa daw nagsasampa sa kanila ng mga ganitong kaso. Sino ba naman ang mangangahas noon na magdemanda laban sa kanila ganoong napaka-marahas nila? Hawak pa nila ang maraming piskal, pulis, huwes at oo, maging mga taga-COA.
Sabi ko kina Among Gov, Mayor Jesse at Harvey Keh, ang pinangangambahan kong mangyari ay kung gumana ang kanilang mga galamay hanggang Ombudsman at mangyaring matalo kami sa mga kaso, madidismaya ang ating mga kababayang Pilipino at sasabihing “PARE-PAREHO LANG LAHAT KAYO! Pati kayo na nagbigay sa amin ng pag-asa na mayroon pang matitino sa bansa. Pati kayo na inaasahan naming pag-asa na kabaligtaran ng mga trapo. Wala rin pala kayong pinag-iba!”
Higit sa abala na dala ng mga kaso sa Ombudsman, ang ayaw kong mangyari ay kitilin ang pag-asa ninyong aming mga kababayan mayrooon ngang mga pinuno sa pamahalaan na hindi kayo pagnanakawan o pagsasamantalahan. Kaya sa aming grupong Kaya Natin, aming laging napag-uusapan noon ay dapat malaman ng bayan na may mga kaso ring naisasampa para lamang sirain sa mata ng mga tao ang mga tinik sa lalamunan ng ilang politiko. Sabi ni Mayor Jesse noon, kaliwa’t kanan din ang mga kaso laban sa kaniya.
Sadyang mahirap itong aming pinasok na mundo ng politika para sana makatulong sa pagpapabuti ng kapakanan ng mamamayan. Pero ang mas mahirap ay kung mamatay ang pag-asa ng sambayanan sa kabutihan at, dahil dito, ay maubusan rin ng lakas at dahilan ang mga nagsisikap na sila ay ipaglaban.
Email: gracempadaca@yahoo.com
