Archive
Harvey Keh sa Abante: People Power sa Edukasyon
People Power sa Edukasyon
ni: Harvey S. Keh, Abante
Noong nakaraang linggo binuksan ng Acts of Hope for the Nation o AHON Foundation ang ika-37 nitong silid aklatan sa loob ng San Roque Elementary School sa Cabiao, Nueva Ecija. Ang AHON Foundation ay isang institusyong binuo ng Filway Marketing, Inc. upang magbigay tulong sa ating mga pampublikong mga paaralan sa pamamagitan ng pagsasa ayos ng mga silid aklatan. Sa ilang mga naging pagsusuri, wala pang 20% sa pampublikong mga eskwelahan sa ating bansa ang may maayos na silid aklatan kaya naman hindi na rin kataka-taka na marami pa rin sa ating mga kabataan ang hindi pa rin natututong magbasa kahit na nakakatapos sila ng Grade 6. Katuwang ng AHON Foundation ang mga guro at mga pinuno ng eskwelahan sa pamumuno ni Dr. Miranda. Ang masipag at magaling na punong bayan ng Cabiao na si Mayor Gloria Congco ang siyang nagdala sa AHON Foundation sa kanyang bayan at dahil dito ay mayroon nang mga bagong libro ang 400 batang nag-aaral doon.
Hindi basta-basta ibinibigay ng AHON Foundation ang mga libro nitong katumbas ang halagang P600,000 sa isang paaralan. Naniniwala ang AHON na bago nito tulu ngan ang isang paaralan ay dapat magtulung-tulong din ang mga guro, magulang at iba pang miyembro ng komunidad upang pagandahin ang kanilang silid aklatan. Sa ganitong paraan nasisiguro ng AHON na hindi pababayaan ang silid aklatan at ang mga librong ibibigay rito sapagkat lahat ng miyembro ng komunidad ay nagtulung-tulong para ayu sin ito. Alam naman nating lahat na mas pinapahalagahan natin ang mga bagay na ating pinaghihirapan. Sa San Roque, mismong ang kanilang punong gurong si Dr. Miranda pa ang namuno sa pagpapagawa ng mga bagong book shelves, lamesa at mga upuan para sa kanyang mga estudyante. Si Mayor Congco naman ay naglabas pa ng perso nal niyang pera para lamang makabili agad ng pinturang ginamit upang lalo pang pagandahin ang silid aklatan. Dahil sa tulungan ng bawat miyembro ng komunidad siguradong matututo nang magbasa ang mga anak ng Cabiao. Tunay ngang maraming mabubuti at magagandang bagay ang nangyayari kapag nagtulungan ang bawat Filipino para sa kaunlaran ng ating bayan. Ibang klaseng People Power na ang kailangan sa ating bayan, ito ay ang people power kung saan nagtutulungan ang bawat isa para sa mas maayos na kinabukasan para sa bawat Filipino.
Para sa inyong mga komento, mag-text sa 09199575444.
